PAGSUSURI SA MGA ESTRATEHIYA SA PAGTUTURO NG ASIGNATURANG FILIPINO NG MGA KAGURUAN SA MEDYOR NG FILIPINO
Keywords:
estratehiya, pagtuturo, asignatura, filipino, epektiboAbstract
Ang guro ay isa sa pinakamahalagang bahagi ng ating lipunan at kinikilala bilang isang marangal na propesyon. Bukod sa kanilang tungkulin bilang tagapagturo, sila rin ay nagsisilbing pangalawang magulang sa loob ng paaralan. Maliban sa pagbibigay ng kaalaman sa iba't ibang asignatura tulad ng Matematika, Agham, Ingles, at Filipino, may malawak din silang pananagutan sa paghubog ng mga mag-aaral upang maging responsableng mamamayan. Sa kabila ng pagiging isa sa mga pambansang wika ng Pilipinas, mapapansin ang bumababang kasanayan ng maraming Pilipino sa pagsulat at pagsasalita ng Filipino, na maaaring dulot ng labis na pagtangkilik sa mga hiram na salita at dayuhang wika, lalo na ng mga kabataan. Dahil dito, mahalagang masuri ang mga estratehiyang ginagamit sa pagtuturo ng asignaturang Filipino upang mapahusay ang kasanayan at interes ng mga mag-aaral. Gumamit ng kwantitatibong pananaliksik upang suriin ang pagiging epektibo ng mga estratehiyang ginagamit ng mga guro sa pagtuturo ng Filipino. Ang mga respondente ng pag-aaral ay binubuo ng 30 guro na may espesyalisasyon sa Filipino, na pinili gamit ang purposive sampling technique. Isinagawa ang isang sarbey upang makuha ang kanilang pananaw at karanasan sa paggamit ng iba’t ibang estratehiya sa pagtuturo. Natukoy sa pag-aaral na ang pinakamaraming respondente ay may edad 21-25 taong gulang (43.33%) at karamihan sa kanila ay kababaihan (70%). Lumitaw rin na may iba't ibang estratehiya ang ginagamit ng mga guro upang mapahusay ang pagkatuto ng kanilang mga estudyante, kabilang ang pangkatang gawain, KWL charts, interaktibong aktibidad, at ang limang makrong kasanayan. Ang paggamit ng mga estratehiyang ito ay may positibong epekto sa pagkatuto ng mga mag-aaral na nagresulta sa mas mataas na marka sa pagsusulit at mas mabilis na pag-unawa sa mga aralin. Batay sa mga natuklasan, lumalabas na ang mga makabagong estratehiya sa pagtuturo ay may malaking epekto sa pagpapadali ng pagkatuto ng mga mag-aaral. Ipinapakita rin ng pag-aaral na ang pagpili ng tamang estratehiya ay dapat isaalang-alang upang mapanatili ang interes ng mga estudyante at mapabuti ang kalidad ng edukasyon sa asignaturang Filipino. Ang mga natuklasan ng pananaliksik na ito ay maaaring magsilbing gabay sa mga guro upang higit pang mapaunlad ang kanilang paraan ng pagtuturo at magbigay ng mas epektibong edukasyon sa mga mag-aaral sa hinaharap.