IMPLUWENSIYA NG PILING SOCIAL MEDIA SA PAGPAPAUNLAD NG BOKABULARYO SA WIKANG FILIPINO NG UNANG TAON SA KOLEHIYO MEDYOR SA FILIPINO
Keywords:
social media, wikang filipino, bokabularyo, pagpapaunlad, impluwensiyaAbstract
Sa makabagong panahon, ang social media ay naging isang mahalagang bahagi ng araw-araw na buhay ng mga Pilipino. Ito ay nagsisilbing plataporma para sa mabilisang pagpapalitan ng impormasyon, opinyon, at kultura. Ayon sa isang pag-aaral, ang social media ay may malaking epekto sa paggamit ng wika, kabilang na ang wikang Filipino. Ang patuloy na pag-usbong ng social media ay nagdudulot ng mga pagbabago sa estruktura at bokabularyo ng wikang Filipino. Halimbawa, ang paggamit ng mga bagong salita at ekspresyon ay mabilis na kumakalat at nagiging bahagi ng pang-araw-araw na wika. Gayunpaman, may mga hamon din na dulot nito, tulad ng paggamit ng mga slang at ang posibleng pagkawala ng mga tradisyunal na salita. Samakatuwid, mahalaga ang pagsusuri sa impluwensiya ng social media sa pagpapaunlad ng bokabularyo ng wikang Filipino upang mapanatili ang balanse sa pagitan ng makabago at tradisyunal na gamit ng wika. Ang pananaliksik na ito ay gumamit ng deskriptibong pamamaraan upang masusing mailarawan ang impluwensiya ng social media sa pagpapaunlad ng bokabularyo ng wikang Filipino. Upang matiyak ang representasyon ng mga mag-aaral sa Bestlink College of the Philippines, ang mga mananaliksik ay gumamit ng 'Simple Random Sampling Technique' sa pamamagitan ng Fishbowl Method. Sa pamamaraang ito, ang bawat pangalan ng mag-aaral mula sa unang taon sa kolehiyo na may medyor sa Filipino ay isinulat sa magkakahiwalay na piraso ng papel at inilagay sa isang lalagyan. Ang mga mananaliksik ay nag-draw ng 70 pangalan mula sa lalagyan upang magsilbing mga kalahok sa pag-aaral. Ang mga napiling kalahok ay pinunan ang mga talatanungan na inihanda ng mga mananaliksik upang makuha ang kinakailangang datos para sa pagsusuri. Ang mga sumusunod na talata ay naglalahad ng mga pangunahing resulta ng pananaliksik at ang kanilang mga interpretasyon: Demograpikong Katangian ng mga Respondente: Edad: Ang pinakamataas na porsyento ng mga respondente ay nasa edad na 18-20 taong gulang, na may 84% na bahagi. Kasarian: Ang mga kababaihan ang may pinakamataas na representasyon sa pag-aaral, na bumubuo ng 57% ng kabuuang bilang ng mga respondente. Katayuang Sosyo-ekonomiko: Ang 66% ng mga respondente ay nagmula sa mga pook na may taunang kita na mas mababa sa ₱36,400, na nagpapahiwatig ng kanilang pagiging kabilang sa lower socio-economic status. Paggamit ng Social Media: Sa mga platform ng social media, ang Facebook Messenger ang pinakaginagamit ng mga respondente, na mayroong weighted mean na 3.64 at interpretasyong "lubos na sumasang-ayon." Impluwensiya ng Social Media sa Pagpapaunlad ng Bokabularyo sa Wikang Filipino: Ang sumusunod na mga aspeto ay ipinakita ang epekto ng social media sa iba't ibang dimensyon ng wika: Kaalaman: Mayroong weighted mean na 3.51 at interpretasyong "lubos na sumasang-ayon." Pakikipagtalastasan: Nagtamo ng weighted mean na 3.61 at interpretasyong "lubos na sumasang-ayon." Paglinang: Nakakuha ng weighted mean na 3.14 at interpretasyong "lubos na sumasang-ayon." Pag-uugali: Mayroong weighted mean na 3.30 at interpretasyong "lubos na sumasang-ayon." Pagpapahalaga: Nagtamo ng weighted mean na 3.10 at interpretasyong "lubos na sumasang-ayon." Pananaw: Mayroong weighted mean na 3.39 at interpretasyong "lubos na sumasang-ayon." Ang mga resulta ay nagpapakita ng makabuluhang impluwensiya ng social media sa iba't ibang aspeto ng wika at komunikasyon ng mga mag-aaral sa Filipino sa Bestlink College of the Philippines. Ang mga natuklasan sa pag-aaral na ito ay nagbigay-liwanag sa makabuluhang epekto ng social media sa pagpapayaman ng bokabularyo ng wikang Filipino sa mga mag-aaral ng Bestlink College of the Philippines. Ang mataas na antas ng paggamit ng Facebook Messenger at ang positibong pananaw ng mga respondente patungkol sa kontribusyon ng social media sa iba't ibang aspeto ng wika ay nagpapakita ng potensyal nito bilang kasangkapan sa edukasyon. Gayunpaman, mahalaga ring isaalang-alang ang mga posibleng negatibong epekto ng labis na paggamit ng social media, tulad ng paggamit ng mga salitang balbal o slang na maaaring makaapekto sa pormal na gamit ng wika. Samakatuwid, inirerekomenda na magsagawa ng mga karagdagang pag-aaral na magbibigay-diin sa balanseng paggamit ng social media at tradisyunal na pamamaraan ng pagkatuto upang mapanatili ang integridad at yaman ng wikang Filipino. Ang mga resulta ng pag-aaral na ito ay magsisilbing batayan para sa mga mananaliksik sa hinaharap na nagnanais mag-explore ng iba pang dimensyon ng ugnayan sa pagitan ng social media at wika, pati na rin sa mga edukador at policy-makers na naglalayong mapabuti ang kalidad ng edukasyon gamit ang makabagong teknolohiya.