EPEKTO NG PAGGAMIT NG KOLOKYAL NA SALITA SA AKADEMIKONG PAGGANAP NG MGA MAG-AARAL SA UNANG ANTAS NG DEPARTAMENTO NG EDUKASYON
Keywords:
kolokyal, wika, salita, akademikong pagganapAbstract
Layunin ng pag-aaral na ito na suriin ang epekto ng paggamit ng kolokyal na salita sa akademikong pagganap ng mga mag-aaral. Ayon kay Monde (2022), ang isang salita ay matuturing na kolokyal kapag ito ay pinaikli at madalas ginagamit sa komunikasyon. Bagamat maaaring magaspang o pabulgar ang ilan sa mga ito, maaari rin silang magkaroon ng mas maayos na anyo depende sa gumagamit. Sa pag-aaral na ito, sinusuri ang positibo at negatibong epekto ng paggamit ng kolokyal na wika sa akademikong pagganap ng mga mag-aaral. Gumamit ang mga mananaliksik ng deskriptibong pamamaraan sa disenyo ng pananaliksik. May kabuuang 70 respondente ang lumahok sa pag-aaral, na pinili gamit ang simple random sampling. Sa pangangalap ng datos, ginamit ang talatanungan bilang pangunahing instrumento upang matukoy ang pananaw ng mga mag-aaral ukol sa paggamit ng kolokyal na salita. Batay sa resulta ng pag-aaral, ang madalas na paggamit ng kolokyal na salita ay nagdudulot ng kahinaan sa tamang pagbaybay. Ang “pagkalito sa tamang pagbaybay ng mga salita” ang may pinakamataas na ranggo, na may katumbas na bigat na 3.75 at interpretasyong sumasang-ayon. Sumunod ang “mas napapadali ang pagbaybay ng mga salita” na may bigat na 3.35 at interpretasyong katamtamang sumasang-ayon. Ang mga datos na ito ay nagpapahiwatig na ang paggamit ng kolokyal na salita ay maaaring humantong sa pagkalito ng mag-aaral sa tamang pagbabaybay. Nakatuon ang pag-aaral na ito sa mga mag-aaral sa unang antas ng departamento ng edukasyon. Sa pamamagitan ng pananaliksik, natukoy ng mga mananaliksik ang mabuti at masamang epekto ng paggamit ng kolokyal na salita sa akademikong pagganap ng mga mag-aaral. Lumabas sa pag-aaral na maaaring magdulot ng pagkalito sa tamang pagbabaybay ang madalas na paggamit ng kolokyal, ngunit may ilan ding maalam kung kailan ito dapat gamitin. Dahil dito, bumuo ang mga mananaliksik ng isang gabay upang matulungan ang mga guro, mag-aaral, at magulang na matukoy kung kailan nararapat gamitin ang kolokyal na salita.