KAHALAGAHAN NG ASIGNATURANG FILIPINO SA BATSILYER NG SEKONDARYA SA EDUKASYON
Keywords:
asignaturang filipino, bsed, temporary restraining order, tanggol wika, komisyon sa wikang filipino, ched memorandum order, senate bill 1838, polyetoAbstract
Ang kahalagahan ng Asignaturang Filipino ay hindi lamang nakatuon sa pambansang wika kundi pati na rin sa pagpapaunlad ng ating kultura at pagkakakilanlan. Layunin ng pananaliksik na ito na matukoy ang halaga ng asignaturang Filipino sa mga mag-aaral ng Batsilyer ng Sekondaryang Edukasyon na nasa unang taon sa kolehiyo. Sa pamamagitan ng paggamit ng sariling wika, ang asignaturang Filipino ay maaaring makatulong hindi lamang sa pagpapalakas ng identidad ng isang indibidwal kundi pati na rin sa iba’t ibang larangan, tulad ng edukasyon, kultura, at ekonomiya. Binibigyang-diin din ng pananaliksik ang pagiging makabayan ng mga Pilipino at ang patuloy na pagpapayabong ng ating sariling wika. Ginamit sa pag-aaral na ito ang kwantitatibong pananaliksik sa pamamagitan ng pagsagot sa mga inihandang tanong ng mga mananaliksik. Ang mga kalahok ay mga mag-aaral na kumukuha ng kursong Batsilyer ng Sekondaryang Edukasyon sa Bestlink College of the Philippines. Sinuri kung gaano kahalaga ang asignaturang Filipino sa aspeto ng edukasyon, kultura, at ekonomiya. Batay sa mga nakalap na datos, karamihan sa mga respondent ay lubos na sumasang-ayon na may malaking halaga ang asignaturang Filipino sa iba’t ibang disiplina. Ang kanilang mga sagot ay nagpapakita ng mataas na pagpapahalaga sa asignaturang ito bilang bahagi ng kanilang edukasyon at personal na pag-unlad. Ang wika ay isang mahalagang salik sa pagkatuto ng isang indibidwal. Ito ay ginagamit hindi lamang sa komunikasyon kundi pati na rin sa pagbubuo ng identidad at pagkilala sa kultura. Ang wikang pambansa ng Pilipinas na Filipino ay itinatakda ng Artikulo XIV, Seksyon 6 ng 1987 Saligang Batas ng Pilipinas bilang isang wikang dapat payabungin at pagyamanin. Gayunpaman, sa ilalim ng CHED Memorandum Order No. 20, s. 2013, hindi na kabilang ang asignaturang Filipino at Panitikan sa bagong general education guidelines. Sa pananaliksik na ito, sinuri ang pananaw ng mga mag-aaral ng Bestlink College of the Philippines na kumukuha ng kursong Batsilyer ng Sekondaryang Edukasyon hinggil sa kahalagahan ng asignaturang Filipino sa kanilang pag-aaral.