KAHALAGAHAN NG SOCIAL PLATFORM SA PAGTUTURO NG PANITIKANG FILIPINO SA BESTLINK COLLEGE OF THE PHILIPPINES
Keywords:
filipino, panitikan, social platformAbstract
Layunin ng pananaliksik na ito na matukoy ang kahalagahan ng social platform sa pagtuturo ng panitikang Filipino sa Bestlink College of the Philippines. Ang social platform ay tumutukoy sa mga aplikasyon at digital na plataporma na ginagamit upang makapagbahagi ng impormasyon na maaaring makatulong sa edukasyon. Ang mga social platform ay nagiging tulay upang mapadali ang komunikasyon sa pagitan ng mga guro at mag-aaral, kaya nagiging mas maayos at epektibo ang pagtuturo ng panitikang Filipino. Gumamit ang pag-aaral na ito ng deskriptibong pamamaraan upang siyasatin at mangalap ng impormasyon tungkol sa kahalagahan ng social platform sa pagtuturo ng panitikang Filipino. Sa pamamagitan ng random sampling, napili ang animnapung (60) mag-aaral mula sa ikatlong taon ng Batsilyer sa Sekondarya, Medyor sa Filipino, bilang mga kalahok sa pananaliksik. Ang pangunahing instrumento sa pangangalap ng datos ay isang talatanungan. Sinuri ang nakuhang datos gamit ang porsyento at weighted mean. Batay sa resulta ng pag-aaral, mas maraming babae kaysa lalaki ang lumahok sa pananaliksik, na nasa edad dalawampu hanggang dalawampu’t lima at kabilang sa middle class. Napag-alaman din na ang YouTube ang pinakaepektibong social platform sa pagtuturo ng panitikang Filipino, samantalang ang laptop at prodyektor ang karaniwang gamit sa klase. Lumabas sa pagsusuri na ang paggamit ng social platform ay nakakatulong sa pagtaas ng interes ng mga mag-aaral sa panitikang Filipino. Dahil dito, napatunayan na epektibo ang paggamit ng social platform sa pagtuturo ng panitikang Filipino, dahil nagbibigay ito ng mas malinaw at makabuluhang pagkatuto sa mga mag-aaral. Ipinakita sa pananaliksik na ang paggamit ng social platform sa pagtuturo ng panitikang Filipino ay may malaking epekto sa pagkatuto ng mga mag-aaral. Samakatuwid, inirerekomenda ng mga mananaliksik na tiyakin ang tamang paggamit ng social platform upang mapanatili ang kalidad ng edukasyon at mapalawak ang kaalaman ng mga mag-aaral sa panitikang Filipino.