Paggamit Ng Makrong Kasanayan At Makabagong Kagamitan Na Makatutulong Sa Pagkatuto Ng Wikang Filipino Ng Mag-Aaral
Vol.3, No.2
Abstract
Ang ating wika ay napakahalaga dahil tinutulungan tayong mga mamamayan na magkaroon ng pagkakaisa at isang susi sa pag-asenso ng ating bansa. Binibigyan tayo nito ng pagkakakilanlan, pagkakaisa, at pagkakaintindihan. Kaya naman malaki ang ginagampanan ng wikang Filipino sa ating mga buhay. Bilang isang Pilipino, ating linangin at payabungin ang ating wika sa paraan na gamitin ito ng maayos at may kabuluhan. At batay sa Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas 1987, Artikulo XIV Seksyon 6, na ang wikang pambansa natin ay Filipino, kaya naman ito ay kailangan nating pagyamanin pa. Kaya naman bilang isang Pilipinong mag-aaral, tungkulin nating bigyang pagpapahalaga at linangin ang ating wika. Ngunit paano natin mabibigyang halaga at malilinang ang ating wika kung hindi natin ito nagagamit nang maayos?
Ayon kay Manalus (2021), nakatutulong ang mga makrong kasanayan sa paglinang ng kakayahang pangkomunikatibo ng mga mag-aaral upang lalong maging bihasa sa pag-aaral at pagpapaunlad pa ng ating wika. Kaya naman ang pag-aaral na ito ay nilayong malaman ang mga posibleng estratehiyang makatutulong sa kakayahan sa paggamit ng wikang Filipino ng mga mag-aaral.
Ang pag-aaral na isinagawa ng mga mananaliksik ay gumamit ng deskriptibong pamamaraan at purposive sampling teknik na kung saan pumili ng tatlumpung (30) mag-aaral sa ikalawang taon ng Edukasyon medyor sa Filipino ng Bestlink College of the Philippines. Na kung saan sila ay sasagot sa inihandang talatanungan ng mga mananaliksik. Ang ganitong uri ng metodo ay nagnais na mabigyan ng kasagutan ang mga katanungan sa pamamagitan ng talatanungan na siyang magiging gabay sa paggamit ng makrong kasanayan at makabagong kagamitan na makatutulong sa pagkatuto ng wikang Filipino ng mag-aaral. Pinakamarami ang mga respondente na babae at higit na kinapalooban ito ng edad 18-20. Lumabas na ang lahat ng respondente na nakibahagi sa pagsagot ng talatalungan ay mayroong kinahaharap na kahinaan sa wikang Filipino. Sa aspeto ng Pakikinig mula sa kung ano ang mga makrong kasanayan na makatutulong sa kakayahan sa paggamit ng mga mag-aaral sa wikang Filipino. Nagresulta na mas maraming respondente ang sang-ayon na labis na nakatutulong ang pakikinig sa talakayan sa Filipino ng walang sagabal na nagkamit ng 4.70 na kabuuang bilang. Sa Pagsasalita, nagkamit ng kabuuang bilang na 4.73 sa pakikipag-usap gamit ang wikang Filipino. Sa Pagbabasa na may 4.83 na kabuuang bilang sa pagbabasa ng aklat o e-books sa wikang Filipino. Sa aspeto ng Pagsusulat na nagkamit ng 4.53 na kabuuang bilang sa paggawa ng mga akdang pampanitikan. Sa Panonood, nagkamit ng 4.57 na kabuuang bilang ang panonood ng bidyo sa wikang Filipino. Ang mga makabagong kagamitan na maaring makatulong sa pagkatuto ng mga mag-aaral sa wikang Filipino ay ang recorder para sa pakikinig na may kabuuang bilang na 4.30, madalas na nakatutulong. Sa Pagsasalita, nagkamit ng 4.33 na kabuuang bilang ang cellphone. Sa Pagbabasa, may 4.57 na kabuuang bilang para sa aklat o e-books at Google. Sa Pagsusulat, cellphone na nagkamit ng 4.87 na kabuuang bilang. Sa Panonood, ang cellphone na may 4.68 na kabuuang bilang. Sa paggamit sa mga makabagong kagamitan na maaaring makatulong sa pagkatuto ng wikang Filipino, sa aspeto ng Pakikinig ay nagresulta na sang-ayon ang mga respondente na magagamit ang recorder at cellphone. Sa Pagsasalita, nakatutulong ang cellphone na may 4.5 na kabuuang bilang. Sa Pagbabasa, nagkamit ng 4.53 na kabuuang bilang ang cellphone para makapanaliksik tungkol sa wikang Filipino. Sa Pagsusulat, gamit ang cellphone ay maaaring makahanap ng mga ilang software o applications na magagamit sa pagsusulat sa wikang Filipino na may kabuuang bilang na 4.80. Sa Panonood, nagkamit ng 4.63 na kabuuang bilang ang paggamit ng cellphone tulad ng panonood ng mga bidyo batay sa wikang Filipino. At panghuli, sa tulong ng pag-aaral na ito ay mas makapipili ang mga mag-aaral ng mga estratehiya o paraan na mas aplikadong makatutulong sa pagkatuto nila at dahil sa mga estratehiyang nabanggit mas magiging pamilyar sila sa iba pang mga salita sa wikang Filipino.
Ang ipinakitang resulta ng pag-aaral ay para sa mga mag aaral, guro, administrasyon ng paaralan, mga mambabasa at susunod na mananaliksik upang maging gabay sa paggamit ng makrong kasanayan at makabagong kagamitan na makatutulong sa pagkatuto ng wikang Filipino ng mag-aaral.