Antas Ng Kaalaman Sa Pagkakaiba Ng Katawagan Ng Wikang Gagamitin Sa Tagalog, Pilipino At Filipino Ng Mga Mag-Aaral Sa Bestlink College Of The Philippines
Abstract
Ang pananaliksik na ito ay naglalayong malaman ang antas ng kaalaman ng mga mag-aaral sa pagkakaiba ng Tagalog, Pilipino at Filipino. Tagalog ay isang barayti ng Wikang Filipino, Pilipino ang tawag sa mga taong naninirahan sa bansang Pilipinas at Filipino ang kinilalang Pambansang Wika. Ngunit may iilan pa sa atin ang nagkakaroon ng kalituhan kung ano nga ba ang pagkakaiba ng Tagalog, Pilipino at Filipino kaya sa pag-aaral na ito ay maipapakita ang naging resulta ng pananaliksik sa antas ng kaalaman ng mga mag-aaral sa pagkakaiba ng katawagan sa wikang gagamitin sa Tagalog, Pilipino at Filipino. Sa pamamagitan ng resulta, makabubuo ng isang gabay upang mapalawak at lubos nilang maunawaan ang pagkakaiba ng Tagalog, Pilipino at Filipino.
Ang pag-aaral na isinagawa ng mga mananaliksik ay gumamit ng deskriptibong pamamaraan at Simple Random Sampling Technique. Gamit ang Fishbowl method, ang mga mananaliksik ay kumuha ng apatnapung (40) mag-aaral mula sa unang taon ng BSED Filipino Major ng College of Teacher Education sa Bestlink College of the Philippines na kung saan sila ang tumugon sa inihandang talatanungan ng mga mananaliksik. Ang ganitong uri ng metodo ay nagnanais na magbigay ng kasagutan sa mga katanungan sa pamamagitan ng pag-aanalisa ng iba’t ibang baryabol.