Epekto Ng Paggamit Ng Teknolohiya Bilang Gabay Sa Pagtuturo Ng Filipino Ng Mga Guro Sa Panuruang Taon 2022-2023.
Abstract
Hindi maitatanggi na marami sa mga Pilipino ngayon ang gumagamit ng aghimuan o mas kilala sa tawag na teknolohiya. Sa pamamagitan nito, ang ating mga gawain ay higit na gagaan. Malaki ang naitutulong ng teknolohiya sa mga guro sapagkat gamit ito, kaya nilang maibigay ang pangangailangan sa kaalaman ng mga mag-aaral.
Ang mananaliksik ay gumamit ng talatanungan upang makakalap ng mga datos na kinakailangan. Ang mananaliksok ay gumamit ng simple random sampling na pamamaraan sa pagpili ng respondente na kinalalahukan ng dalawampung (20) Guro sa Filipino mula sa Bestlink College of the Philippines. Ang resulta ng pag-aaral ay marami sa mga guro ang gumagamit ng laptop upang mas lalong mapabuti at mapabilis ang pagbibigay ng kaalaman sa mga estudyante. Nadaragdagan ang kaalaman ng mga guro sa pagkalap ng mga impormasyon galing sa internet. Ang mabuting epektong naidulot ng paggamit ng teknolohiya ay napabibilis nito ang pagtuturo ng mga guro at pagkatuto ng mga mag-aaral, samantala ang masamang epekto naman ay ang mga mali at hindi balidong impormasyon galing sa internet na dapat iwasan ng mga guro.
Ang resulta ng pag-aaral na ito ay upang malaman ang epekto ng paggamit ng teknolohiya sa pagtuturo ng mga guro at upang mabalanse ng tama ang paggamit ng teknolohiya sa paraan nang pagtuturo. Mabigyan ng sapat na kaalaman ang mga guro, paaralan, magulang, at mga susunod na mananaliksik sa paggamit ng teknolohiya sa pagtuturo at upang maiwasan ang masamang dulot sa paggamit nito.