Epekto ng Social Media sa Personalidad ng mga Mag-Aaral sa Bestlink College of the Philippines sa Panuruang Taon 2021-2022
Vol.3, No.1C
Abstract
Ang Social Media ay ginagamit ng mga mag-aaral sa larangan ng pang-edukasyon, panlibangan, at personal. Ngunit sa paggamit ng mga Social Media Sites, hindi mapagkakaila na ito ay nakaaapekto rin sa personalidad batay sa aspeto ng sosyal, emosyonal, mental, at espiritwal. Kung kaya’t minabuting pag-aralan ang ganitong paksa upang magabayan ang mga mag-aaral patungkol sa mga positibo at makaiwas sa negatibong epekto ng Social Media.
Ang pag-aaral na isinagawa ng mga mananaliksik ay gumamit ng deskriptibong pamamaraan. Kinalahukan ito ng (50) mag-aaral mula sa Ikaapat na Taon ng Bachelor of Secondary Education Major in Filipino sa departamento ng College of Teacher Education sa Bestlink College of the Philippines na kung saan sila ay sumagot sa inihandang talatanungan ng mga mananaliksik. Ang pamamaraan na ito ay akma o angkop sa pangangailangan ng pag-aaral.
Ang pamamaraang simple random sampling teknik ay ginamit ng mga mananaliksik sa pagpili ng mga respondente. Kaugnay nito, ang Fishbowl Method ang ginamit upang pantay na makakuha ng limampung (50) mag-aaral sa nabanggit na taon at kurso.