Mga Pananaw sa Paggamit ng Bilingguwal Bilang Midyum sa Pagtuturo sa mga Mag-aaral ng Bestlink College of the Philippines T.P 2020 – 2021
Vol.3, No.1C
Abstract
Ang pagiging bilingguwal ng mga Pilipino ay nakatadhana sa bisa ng Konstitusyon 1987 Artikulo XIV, Seksyon 7 na nagsasabing ang wikang opisyal ng Pilipinas ay wikang Filipino at, hangga’t walang itinatadhana ang batas, Ingles ukol sa layunin ng komunikasyon at pagtuturo. Ang bilingguwal sa pagtuturo ay paggamit ng magkahiwalay na wika sa tiyak na asignatura. Nagkaroon ng iba’t ibang pag-aaral ang iilang mga tao sa iba’t ibang bansa sa kung ano ang epekto ng paggamit ng wikang bilingguwal sa pagtuturo sa pagkatuto ng mga mag-aaral, kasama na rito ang mga pananaw ng mga mag-aaral sa paggamit ng bilingguwal sa pagtuturo. Gayun pa man, isinagawa ng mga mananaliksik ang pag-aaral na ito upang malaman ang pananaw ng mga mag-aaral partikular na sa Bestlink College of the Philippines tungkol sa paggamit ng bilingguwal ng kanilang mga guro sa pagtuturo para sa kanilang pagkatuto sa mga aralin at sa epekto nito sa kanilang kakayahang pangwika.
Deskriptibong pamamaraan o descriptive survey research design ang ginamit sa pag-aaral na ito, kung saan isinasagawa ang sarbey sa pamamagitan ng paggamit ng mga talatanungan at ipinamahagi ito sa limampung (50) piling mag-aaral ng Bestlink College of the Philippines sa ikatlong taon nila sa kursong Edukasyon. Sa ganitong paraan nakakalap ng mga datos at impormasyon ang mga mananaliksik para sa pag-aaral na ito. Simple random technique sa pamamaraang fishbowl ang ginamit ng mga mananaliksik sa pagpili ng mga respondente. Sa ganitong paraan, nabibigyan ng pagkakataon ang lahat ng miyembro sa isang populasyon na mapili upang maging respondente sa isinasagawang pananaliksik na ito.