Epektibong Kagamitan sa Paglinang ng Antas ng Pang-unawa sa Pagbasa ng mga Mag-aaral sa Ikasiyam na Baitang ng Dr. Maria D. Pastrana National High School
Keywords:
epektibo, kagamitan, paglinang sa antas ng pang-unawa sa pagbasaAbstract
INTRODUCTION
Bumabasa ang mga tao sa iba't ibang dahilan. May nagbabasa upang matuto, kinasanayan, magkaroon ng sariling karunungan, mabatid ang mga pangyayari sa kanilang paligid at dahil itinakdang gawin sa mga mag-aaral ng kanilang guro. Sa kabila ng pagsisikap ng mga guro sa Filipino na maturuan ang mga mag-aaral ng pagbasa ay mayroon pa ring mga mag-aaral na hindi mataas ang antas ng pang-unawa at ito ay mismong problemang nararanasan ng mananaliksik sa silid-aralan. Dahil sa sariling karanasan at kalagayang nabanggit, ninais ng mananaliksik na tukuyin ang epektibong kagamitan sa paglinang ng antas ng pang-unawang mga mag-aaral sa pagbasa na magsisilbing katuwang ng guro sa kanyang pagtuturo at pagpapabasa.
METHODS
Disenyong paglalarawan ang ginamit ng mananaliksik na ginamitan ng talatanungan. Ang naging kalahok ay ang mga mag-aaral sa Ikasiyam na Baitang na nagmula sa pitong seksiyon na may bilang na 35 at may kabuuang 245. Ang mga datos ay kinalap sa pamamagitan ng ginawang pagsusulit batay sa pagpapabasa gamit ang powerpoint at hand-awt, at nilapatan ng estadistika.
RESULTS
Ang antas ng pang-unawa sa pagbasa gamit ang powerpoint ay ipinapakitang nasa 48.16% ang nasa literal na pang-unawa, 35.51% ang nasa inferential, at 16.33% naman ang nasa kritikal na pang-unawa sa pagbasa. Kaya ang antas ng pang-unawa gamit ang power point ay nasa antas ng literal. Samantalang sa pagbasa gamit ang hand-awt ay nagpapakitang nasa 38.37% ang nasa literal na pang-unawa, 42.86% ang nasa inferential, at 18.77% naman ang nasa kritikal na pang-unawa sa pagbasa. Kaya ang antas pang-unawa sa pagbasa gamit ang hand-awt ay nasa Inferential. Ang komparatibong resulta ng epektibong kagamitan sa paglinang ng pang-unawa sa pagbasa, batay sa paggamit ng Hand-awt, 44.34% ang nasa literal na pang-unawa, 54.69% ang nasa inferential, at 53.49% ang nasa kritikal na pang-unawa na may kabuuang 50.84%. Samantalang ang paggamit ng Power point sa pagbasa ay may 55.66% ang nasa literal na pang-unawa, 45.31% ang nasa inferential, at 46.51% ang nasa kritikal na pang-unawa na may kabuuang 49.16%, kung kaya ang epektibong kagamitan sa paglinang ng pang-unawa sa pagbasa ay ang hand-awt.
DISCUSSIONS
Ang paggamit ng hand-awt ay nakakatulong sa paglinang ng antas ng pang-unawa sa pagbasa ng mga mag-aaral. Nakatulong ito upang madali nilang maunawaan, at balik-balikan ang binabasa. Magkakaroon ng mas mataas na pang-unawa ang mga mag-aaral gamit ang hand-awts sa pagbasa. Gayundin, mapapaunlad ang sarili sa pagbasa at magkakaroon ng interes sa mga babasahing akda.