Pagpapataas ng Kakayahan sa Pagsulat ng Pangungusap ng mga Mag-Aaral sa Wikang Filipino Gamit ang Mi-Activity Sheets sa Ikalawang Baitang T. A. 2017-2018
Keywords:
kakayahan sa pagsulat, pangungusap, mi-activityAbstract
INTRODUCTION
Ang pagsasaliksik ay isinagawa upang maitaas ang antas ng kakayahan sa pagsulat ng pangungusap ng mga mag-aaral sa wikang Filipino gamit ang MI-Activity Sheets sa Calamba Elementary School. Naniniwala ang tagapagsaliksik na mapapalawak ang kakayahan ng mga mag-aaral sa pagsasanay na ito dahilmaiuugnay ito sa kasalukuyang ipinapatupad ng Kagawaran ng Edukasyon. Ito ay ang K to 12 Basic Education Program. Sa ganitong paraan, mapapataas ang antas ng pagkatuto ng mga mag-aaral dahil nagsisimula na silang magsulat ng pangungusap sa mababang antas pa lamang. Kung kaya inaasahan ring makapagbabagi ang mga mag-aaral ng mga kaalamang kinakailangan sa Early Language, Literacy, and Numeracy Assessment (ELLNA) pagtuntong nila sa ikatlong baitang.
METHODS
Upang mapababa ang posibleng dahilan ng problema, nagsagawa nang puspusang pag-aaral ang tagapagsaliksik sa pamamagitan ng pakikipanayam sa mga guro at magulang ng mga nagsisipag-aral mula sa klase ng ikalawang antas. Nagbigay rin ng mga pagsasanay upang matiyak ang kahinaan at masukat ang kakayahan ng mga mag-aaral. Ang pagsasanay ay nararapat at angkop na gawain upang malunasan ang anumang suliranin. Nagsagawa rin ng sarbey ang tagapagsaliksik sa mga magulang, kaibigan at mismong sa paaralan kung saan nagsisipasok ang mga bata. Ipinaliwanag at ipinakita ang kakayahan ng mga bata sa pamamagitan ng mga outputs. Ito ang magiging daan kung ano ang nararapat upang matugunan ang pangangailangan ng mga bata.
RESULTS
Napag-alaman na ang simpleng salita at pagbibigay kahulugan ay isang napakalaking bagay upang mahasa ang kaisipan ng mga mag-aaral sa sariling wika na kadalasan ay hindi naisasagawa ng maayos kahit sa pagsasalita. Ang ganitong mga kakulangan ang binigyang-pansin ng tagapagsaliksik upang mabawasan ang mga mag-aaral na hindi makasulat kahit sa simpleng pangungusap lamang.
DISCUSSIONS
Ang sumusunod na solusyon ay nakalap: Bigyan ng sapat na atensyon ang pag-aaral sa mga salitang magkakasingkahulugan at magkakasalungat upang mapalawak ang bokabularyo ng mga mag-aaral; Isulat sa isang logbook ang mga salitang makukuha sa pahayagan o mga kwentong binabasa upang mabalikan ang mga salitang hindi gaanong naririnig o nagagamit sa pang-araw-araw na buhay; Alamin ang wastong gamit ng mga pangatnig.; Magbigay ng sapat na oras upang matalakay ang nilalaman at kasanayang maibabahagi ng Ortograpiyang Filipino sa pagsulat ng mga pangungusap; at maging pangunahing sanggunian ang Diksyunaryong Filipino.