Paglinang ng Komprehensyon sa Pagbasa ng Wattpad ng mga Mag-Aaral sa Ikaapat na Baitang ng Paaralang Elementarya ng Buhay na Tubig sa Pamamagitan ng Story Grammar

Authors

  • Dwain Allen B. Quimoyog

Keywords:

wattpad, story grammar

Abstract

INTRODUCTION

Ang pagbabasa ang sumusunod sa pakikinig na may pinakamalawak na saklaw sa larangan ng pakikipagtalastasan kaya dapat itong malinang ng mga mag-aaral. Ito'y mahalagang behikulo sa pagtatamo ng mga impormasyon tungkol sa iba't ibang larangan ng karunungan. Ang pag-aaral na ito ay naglalayong mabatid ang antas ng kakayahan sa pag-unawa ng mga mag-aaral sa ikaapat na baitang at matukoy ang pag-unlad ng mga mag-aaral sa kasanayan sa pagbasa ng Wattpad gamit ang estratehiyang Story Grammar.

METHODS

Ginamit sa pag-aaral na ito ang pamaraang pre-test at post-test design para makita ang kaibhan ng bawat resulta ng pagsusulit na ibinigay. Ang nilalaman ng pre-test at post-test ay magkapareho upang malaman kung may pagbabago ang resulta.Unang isinagawa ang pre-test na binubuo ng tatlumpung aytem. Napili ang mga sabjek batay sa iskor sa pre-test. Ang dalawampu't limang mag-aaral na may pinakamababang iskor sa bawat sekyon ang pinagkunan ng datos. Sila ang pinagtuunan ng pansin ng mananaliksik sa kanyang pagtatalakay sa mga kuwento sa Wattpad gamit ang Story Grammar. Pagkatapos nito, isinagawa ang post-test. Ang resulta sa isinagawang pagsusulit ang naging batayan upang matukoy kung may pagbabago sa pag-unawa sa binasa.

RESULTS

Batay sa natuklasang resulta ng pag-aaral, ibinibigay ang sumusunod na konklusyon. Ang kakayahan ng mga mag-aaral sa pag-unawa ay lalong malilinang kung gagamitin ang estratehiyang Story Grammar sa pagtuturo ng mga akda sa Wattpad. Sa pamamagitan nito, natutukoy ng mga mag-aaral ang mga mahahalagang detalye sa kuwento tulad ng lugar ng pinangyarihan nito, mga tauhan, pangunahing diwa o ideya at ang banghay nito. Maaaring mapalawak pang lalo ang kanilang pag-unawa sa pamamagitan ng puspusang pagmamatyag at pagsubaybay ng mga guro habang binabasa nila ang kuwento.

DISCUSSIONS

Sa liwanag ng mga nabanggit sa itaas na kinalabasan ng pag-aaral at mga kongklusyon, iminumungkahi sa pagtuturo ng mga guro, na gumamit ng estratehiyang Story Grammar upang lalong malinang ang kanilang pag-unawa sa tekstong binabasa.Iminumungkahig subaybayan ng mga guro ang mga mag-aaral habang binabasa ang kuwento. Dapat na gawing malinaw ang paglalahad ng mga pangyayari upang magkaroon ng masiglang talakayan lalo pa't ang kuwento ay mula sa Wattpad.Iminumungkahi rin sa mga namamahala sa paaralan na payagan nilang dumalo ang kanilang mga guro sa mga seminar at worksyap upang makaagapay sila sa mga makabagong kalakaran sa pagtuturo ng pagbasa at pag-unawa sa binabasang kuwento.

Published

2019-01-18