Pagbuo Ng Gabay Sa Sulating Pananaliksik Sa Senior High Schoo
Keywords:
Gabay, Sulating Pananaliksik, Senior High SchoolAbstract
Introduction
Ang pag-aaral na ito ay nakatuon sa pagbuo ng gabay sa sulating pananaliksik sa Senior High School. Nakatuon ito sa pagtukoy sa antas ng kahandaan sa gawaing pananaliksik sa pagpili ng paksa, paglalahad ng tentatibong balangkas; pagsulat ng literaturang konseptwal at kaugnay na pag-aaral, paggamit ng instrumento sa pangangalap ng datos, pagpili at pag-aanalisa ng angkop na istadistika, paghahanay ng mga datos at pagbibigay-interpretasyon at pagbuo ng lagom, konklusyon at rekomendasyon. Gayundin, nilayon ng pag-aaral na matukoy ang mga suliraning nararanasan ng mga mag-aaral sa sulating pananaliksik.
Methods
Nakaangkla ang pag-aaral sa Descriptive Survey Research Design at purposive sampling. Talatanungan ang pangunahing instrumentong ginamit sa pangangalap ng datos at pagkuha ng mga impormasyon. Nagsagawa rin ng focus group discussion (fgd) at pakikipanayam upang mapagtibay ang pag-aaral. Ang kabuuan ng mga kalahok sa ay 134 na mga mag-aaral mula sa strand na Science, Technology, Engineering and Mathematics (STEM) at Accountancy, Business and Management (ABM) at 22 mga guro na nagtuturo ng pananaliksik sa Senior High School sa Distrito ng Mataasnakahoy.
Results
Batay sa kinalabasan ng pag-aaral, ang kabuuang antas na kahandaan ng mga mag-aaral sa gawain ay binigyang-kahulugan na sapat na kahandaan. Gayunpaman, may mga bahagi ng gawaing pananaliksik na nangangailangan ng paggamit ng gabay at kasanayan. Samantalang mabigat na suliranin ang nararanasan ng mga mag-aaral sa pagbuo ng sulating pananaliksik. Dahil dito, ang mananaliksik ay bumuo ng gabay sa pagsulat-pananaliksik na magagamit ng mga guro at mag-aaral upang mapaunlad at madaling maisagawa ang pagbuo ng nasabing gawain.
Discussions
Naniniwala ang mananaliksik na mahalaga ang pag-aaral na isinagawa sapagkat sumailalim na ang binuong gabay sa pagsulat-pananaliksik sa LRMDS sa Sangay ng Batangas sa tulong ng mga gurong nagtaya, LREs at gurong tagamasid sa Filipino. Napapanahon ito sapagkat kinikilala ang kahalagahan ng pananaliksik bilang bahagi ng paglinang ng kaalaman ng mga mag-aaral sa makaagham na pagtuklas ng mga datos. Iminumungkahi na patuloy na pahalagahan ang kultura ng pananaliksik at magsagawa ng iba pang malalimna pagsusuri na nakatuon naman sa pagsusuri ng nabuong (research output) ng mga mag-aaral gamit ang rubrik sa pananaliksik.