PAGKATUTONG NAKAUGAT SA WIKA: PANIMULANG PAG-AARAL SA POSIBILIDAD NA EPEKTO NG PAGTATANGGAL NG MOTHER TONGUE-BASED MULTILINGUAL EDUCATION SA MGA GURO NG TEACHING CHILDREN THROUGH PERSONALIZED INTERVENTIONS ACADEMY INC. SA PANURUANG TAON 2024-2025

Authors

  • Aaliyah Cassandra Gagnao
  • Chelcy Joyce Rojas
  • Kip Gabriel Bautista
  • Robert Wade Co Ho
  • Jasean Gonzales
  • Seth Gonzales
  • John Carlo Vista
  • Andrew Ezekiel Yan
  • Jayson Sevilla Sicorsicor

Keywords:

mother tongue-based multilingual education (mtb-mle), wika sa edukasyon, pagtuturo ng filipino at ingles, reporma sa kurikulum

Abstract

Ang pananaliksik na ito ay naglalayong suriin ang posibleng epekto ng pagtanggal ng Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE) sa mga guro ng Teaching Children Through Personalized Interventions Academy Inc. para sa taong panuruan 2024–2025.  Layunin ng Pag-aaral:  Matukoy ang mga pananaw ng mga guro hinggil sa desisyon ng pagtanggal ng MTB-MLE sa kurikulum, at alamin ang mga hakbang na kanilang isinasagawa upang harapin ang mga hamon sa pagtuturo nang hindi gumagamit ng Mother Tongue.  Masuri kung paano maaapektuhan ang pagtuturo ng mga guro—lalo na sa asignaturang Filipino at iba pang kaugnay na asignatura—kung tuluyang alisin ang paggamit ng MTB-MLE.  Mailarawan kung paano iaangkop ng mga guro ang kanilang mga pamamaraan at estratehiya sa pagtuturo upang mapanatili ang interes, motibasyon, at epektibong pagkatuto ng mga mag-aaral sa kabila ng kawalan ng Mother Tongue bilang midyum ng pagtuturo. Metodolohiya ng Pananaliksik:  Ang pananaliksik na ito ay gagamit ng penomenolohikal na kwalitatibong pamamaraan upang masusing maunawaan ang mga karanasan, pananaw, at saloobin ng mga guro hinggil sa pagtanggal ng Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE) sa kurikulum.  Isasagawa ang pag-aaral sa Teaching Children Through Personalized Interventions Academy Inc., isang institusyong pang-edukasyon na sumusunod sa K–12 curriculum.  Pagpili ng Kalahok:  Gagamitin ang purposive sampling upang mapili ang mga kalahok batay sa sumusunod na pamantayan: Mga guro na nagtuturo ng MTB-MLE sa Kindergarten hanggang Baitang 3.  Mga gurong nagtuturo ng Filipino at gumagamit ng wikang Filipino bilang pangunahing midyum ng pagtuturo.  Paraan ng Pagkalap ng Datos:  Ang datos ay kokolektahin sa pamamagitan ng semi-structured interview, na magbibigay ng kalayaan sa mga kalahok na maipahayag ang kanilang mga karanasan at opinyon habang pinapanatili ang pokus ng panayam sa mga layunin ng pag-aaral.  Paraan ng Pagsusuri ng Datos:  Gagamitin ang thematic analysis upang tukuyin, suriin, at bigyang-kahulugan ang mga temang lilitaw mula sa mga panayam. Sa pamamagitan nito, mas mapapalalim ang pag-unawa sa epekto ng pagtanggal ng MTB-MLE sa mga guro at sa kanilang mga estratehiya sa pagtuturo. Tema 1: Epekto ng Pagtanggal Tema 2: Pananaw ng mga Guro sa Pagtanggal ng MTB-MLE Tema 3: Mga Epekto sa Pagtuturo Tema 4: Pagbabago ng Interes Karamihan sa mga guro ay naniniwala na hindi malaki ang magiging epekto ng pagtanggal ng Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE), subalit may pangamba para sa mga mag-aaral na hindi pa bihasa sa wikang Filipino at Ingles. Sa mga probinsya at rural na lugar, may posibilidad na bumaba ang antas ng pagkatuto bunsod ng biglaang pagpapalit ng wikang panturo. Upang matugunan ang mga hamong ito, kinakailangang paghusayin ang mga estratehiya sa pagtuturo, gaya ng paggamit ng visual aids, interactive na teknolohiya, at pagbibigay ng sapat na pagsasanay sa mga guro. Hinihikayat ang mga mag-aaral na patuloy na paunlarin ang kanilang kasanayan sa Filipino sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga aklat at paggamit ng iba pang mapagkukunan ng impormasyon. Gayundin, mahalaga ang aktibong suporta ng mga magulang sa pamamagitan ng paggamit ng wikang Filipino sa tahanan. Sa kabuuan, ang matagumpay na transisyon at pagpapanatili ng mataas na kalidad ng edukasyon ay nakasalalay sa sapat na suporta mula sa paaralan, mga guro, at sa Kagawaran ng Edukasyon (DepEd).

Published

2025-12-26