DEPED MEMORANDUM NO. 054, SERIES 2023: PAGSUSURI SA MGA PERSPEKTIBO AT HAMON SA PAGTUTURO NG MGA GURO SA KINDERGARTEN, BAITANG 1, 4, AT 7 SA ILALIM NG IMPLEMENTASYON NG MATATAG CURRICULUM SA ST. MARY’S COLLEGE INC. QUEZON CITY
Keywords:
matatag curriculum, hamon sa pagtuturo, implementasyon ng kurikulumAbstract
Layunin ng pag-aaral na ito na suriin ang mga pananaw at hamon ng mga guro sa Kindergarten, Baitang 1, 4, at 7 ng St. Mary’s College, Inc., Quezon City kaugnay ng implementasyon ng MATATAG Curriculum. Partikular nitong tinatalakay ang mga sumusunod: (1) ang mga pangunahing hamon na kinakaharap ng mga guro sa pagtuturo; (2) ang kanilang kaalaman sa layunin, istruktura, at nilalaman ng kurikulum, pati na rin kung paano ito nakaaapekto sa kanilang mga estratehiya sa pagtuturo; at (3) ang mga hakbang na kanilang isinagawa upang matugunan ang mga pagbabagong dulot ng kurikulum at mapabuti ang kalidad ng kanilang pagtuturo. Gumamit ang pag-aaral ng penomenolohikal na kwalitatibong pamamaraan upang masusing maunawaan ang mga karanasan at pananaw ng mga guro kaugnay ng implementasyon ng MATATAG Curriculum. Isinagawa ito sa St. Mary’s College, Inc., Quezon City, gamit ang purposive sampling na may mga sumusunod na pamantayan: (1) mga guro na may hindi bababa sa dalawang (2) taon ng pagtuturo sa SMCIQC, at (2) kasalukuyang nagtuturo sa Kindergarten, Baitang 1, 4, at 7. Ginamit ang semi-structured interview bilang pangunahing instrumento sa pangangalap ng datos, na isinagawa sa mga guro na sumailalim na sa implementasyon ng MATATAG Curriculum. Ang mga nakalap na datos ay sinuri sa pamamagitan ng Thematic Analysis upang matukoy ang mga paulit-ulit na tema, kaisipan, at pattern mula sa mga karanasan ng mga kalahok. Tema 1: Layunin, Estruktura, at Nilalaman ng MATATAG Curriculum Tinalakay sa temang ito ang pag-unawa ng mga guro sa layunin, estruktura, at nilalaman ng MATATAG Curriculum. Ipinapakita nito kung paano nakaaapekto ang kanilang kaalaman sa kurikulum sa kanilang mga estratehiya sa pagtuturo at adaptasyon sa mga pagbabago sa edukasyon. Tema 2: Mga Hamon na Nararanasan ng mga Guro sa Kindergarten, Baitang 1, 4, at 7 sa MATATAG Curriculum Ibinahagi ng mga guro ang iba’t ibang suliraning kinahaharap nila sa implementasyon ng kurikulum, kabilang ang: Kakulangan sa oras para sa sapat na paghahanda Limitadong oras ng aktuwal na pagtuturo sa silid-aralan Kakulangan ng sapat na teaching and learning resources Tema 3: Mga Hakbang sa Pagbibigay ng Solusyon Bilang tugon sa mga hamon, inilapat ng mga guro ang sumusunod na mga hakbang upang mapabuti ang kanilang pagtuturo: Pag-aadjust ng mga aralin upang umangkop sa oras at sitwasyon Maagang paghahanda sa mga pagbabagong dulot ng kurikulum Paggamit ng makabagong teknolohiya at digital tools upang mapadali at mapahusay ang pagtuturo at pagkatuto Natuklasan sa pananaliksik na ang MATATAG Curriculum ay inilunsad upang gawing mas epektibo ang edukasyon sa pamamagitan ng reorganisasyon ng mga aralin at pagsasanib ng ilang asignatura, na nagresulta sa mas malinaw at nakatuong pagtuturo. Bagama’t nakatulong ito sa pag-decongest ng dating K-12 Curriculum, nakaranas ang mga guro ng mga hamon tulad ng kakulangan sa preparasyon, limitadong oras sa pagtuturo, at kakulangan sa mga learning resources. Bilang tugon sa mga suliraning ito, inirerekomenda ang pagbibigay ng sapat na pagsasanay sa mga guro, paggamit ng integrative lesson plans, at pag-access sa mga digital tools at Open Educational Resources (OER). Hinihikayat din ang administrasyon at ang Kagawaran ng Edukasyon na magbigay ng malinaw na mga gabay, suportahan ang paggamit ng online tools, at pagtuunan ng pansin ang Special Needs Education (SPED). Para sa mga susunod na pag-aaral, inirerekomenda ang paglawak ng saklaw upang maisama ang karanasan ng mga mag-aaral, nang sa gayon ay mas lubos na maunawaan ang kabuuang epekto ng implementasyon ng MATATAG Curriculum.